ang beterano ng lamay
alas dos pasado na ng umaga, heto akosa harap ng kabaong ng lola ko. nag-iisa, naghihintay, nagmumuni, nag-iisip, nangangarap, nakanta, naiiyak, natatawa at na-over-load na ang utak.
“kailangan kong magsulat, kailangan kong magsulat!”
nakita ko ang sarili kong nagbubungkal ng mga bag na parang snatcher na naghahanap ng mape-perahan. para akong adik na naghahanap ng droga sa aming mga bagahe.
“ballpen, lapis, papel… nasaan na?”
sa wakas nakahanap ako ng ballpen sa isang bag. na napalya pa pala.
“papel. papel. papeeeeel! lintek na papel.”
putek walang papel. ikot. hanap. halukay sa paligid. ayun! kalendaryo. pinilas ko ang lumang kalendaryo sa kwaro at tinupi upang masulatan ng mga sigaw ko. gamit ang palpak na ballpen at ang kawawang kalendaryo, na-solusyunan ang bisyo ko.
oktubre 3, 9:00 ng gabi. may text message na dumating sa amin na nagsasabing isinugod daw sa ospital ang lola ko. makalipas ang ilang minuto, tawag naman. wala na daw si lola. tumigil ang mundo ko, tumambol ang puso ko, nangilid ang luha ko gunit pinigil ang pagdaloy nito, may background music na tumugtog sa isip ko, kasabay ang black ang white flashback ng mga alaala ko kasama si lola.
mabait si lola.
sumpungin din minsan dahil may edad na.
mahilig mag-utos.
makulit din minsan.
pala-kwento ng mga bagay-bagay.
maraming hinanakit at galit.
pero may tawa at ngiti rin.
mahilig yan kumain ng mga bawal sa kanya.
may mood swing.
at certified kapamilya. (channel 2 lang ang nasa TV niya.)
halu-halo ang ugali niyan, pero lola ko yan eh.
kaya lab ko yan. di lang halata.
isang bagay na nakatatak sa utak ko ungkol sa kanya eh noong nag-aayos ako ng mga papel para sa college application ko. kailangan ko ng 2×2 picture noon. eh wala akong pera. hindi naman ako makahingi kina tito at tita dahil nahihiya ako. kaya sa kanya ako hihingi. noong una, kunwari napadaan lang ako sa bahy niya. binigyan niya ako ang biskuwit. at sabay nagkuwento ng kagipitan niya rin sa salapi.
“patay! patay na ang application ko. tsk…kailangan ko ng picture bukas.”
tinanong niya ako.
“saan ka ba pupunta?”
“mag-papapicture sana.” sagot ko.
“siya umalis ka na at gabi na. may pera ka na?” patuloy na tanong ni lola.
hindi ako sumagot. hindi kumibo. maya-maya dumukot siya ng pera sa pitaka at isniksik sa bulsa ko.
“siya umalis ka na at gabi niya.” patuloy niyang sambit sa akin.
ngumiti lang ako at saka umalis. (hindi man lang pala ako nakapag-pasalamat.)
tahimik na pag-uusap. tahimik na pag-intindi.
bihira akong magsalita at humingi. (lalo na kung pera) signiture act ko na yan.
mabilis lang ang oras, bukas hindi natin alam kung ano ang naka-takda. mabigat sa loob ko ang pagkawala ni lola. (hindi man lang ako nakapag-mano at nakipag-kwentuhan sa kanya noong huling bisita namin.) pero, ganoon talaga. alam ko namang nasa mabuting lugar na siya kung saan walang lungkot at walang restriksyon sa pagkain. panigurado, nakain na iyan ng chicharon kasama si lolo at ang iba niyang namahinga na ring mga anak.
kaya lola, kung nasaan ka man, salamat sa 2×2 picture.