usap-usapan
tagalog blog entries muna.
wala akong baong ingles sa bulsa, matagal-tagal na rin kasi akong hindi nagbabasa ng webster’s dictionary, nobela nila paulo coelho, sidney sheldon at joshua harris; textbook ni udan, smeltzer&bare, hawk at ni maglaya. masigasig akong nagbabasa noon kasi, kailangan ko ng sangkatutak na ingles para sa eskwelahan.
ngayong “official” tambay muna ako sa bahay at “jobless” parin, hindi ko muna kailangan ng ingles. japanese spitz ang aso namin, kaya hindi naman niya siguro mauunawaan kung parating ingles ang inuutos ko sa kanya.
pero siguro nga, Filipino ang forte ko sa pagsusulat. kaya lang naman ako nagsimulang magsulat sa wikang ingles dahil kinailangan ko yun bilang mamamahayag at editor-in-chief ng publikasyon ng eskwela. parang “odd” daw kasi kapag parating tagalog ang editoryal at mga komentaryo mo sa diyaryo. ang siste pag-tagalog = jologs. kapag-ingles = sosyal, na tipong wala nang naintindihan ang mambabasa dahil nagkulang na sila ng oxygen sa katawan marahil siguro sa pagdurugo ng kanilang mga ilong at utak sa pagbabasa pa lang ng isang talata ng kolumn mo. tsk.. ano nga ba ang saysay ng ingles sa pagsusulat? hindi ko alam, kaya ko nga binabato ang tanong sa iyo kaibigan.
kung sa mga naunang nabangit na manunulat, si paulo coelho ang paborito ko. paulit-ulit ka niyang pag-tatumblingin sa story plot niya at sa huli malalaman mo, naroon kang muli sa una mong pwesto noong mag-tatumbling ka pa lang. mahusay! bukod sa nakakadugo niyang mga idioms at clues sa kanyang mga nobela, gusto ko rin siya sa paraang may natatamaan siya sa buhay mo na nangangailangan ng pagbabago. kung ano yun, magbasa ka na lang ng libro niya. (matutuwa si paulo sa plug in advertisement ko!).
oo, marami na nga akong naipon na libro. fiction, non-fiction, makakapal na libro ng nursing : medical-surgical, pharmacology, maternal and child, anatomy and physiology, chemistry, natural science and biology, psychology, nclex bullets and reviewers at marami pang iba, lahat yan, naipon ko na. lahat yan nabasa ko na. kaya siguro ganito ako ka-weird mag-isip. naapektuhan na ng sari-saring utak ang utak ko bago ko pa man mamalayan ito. tsk..
kaya nga ngayon naisipan ko na magbasa muli. kaso ang problema, dahil sa paulit-ulit na pagbabasa sa kanila, nauunahan na ng utak ko ang mga mata ko sa pagbabasa. ang mga mata ko nasa chapter 2 pa lang, ang isip ko nasa chapter 5 na. kaya ayon, itinigil ko na lang ulit. maghahanap na lang ako ng bagong libro. yung sariwa sa mga isip at mata. ang nakuha ko, tuesday’s with morrie ni __________ (hindi ko matandaan at tinatamad akong tumayo para kuhanin ang libro) matagal ng inirekomenda ng ilang kaibigan ang pagbabasa ng nasabing libro. si orma ata ang huling nag-anyaya sa akin. pero sa hindi maipaliwanag na mga dahilan, parati kong makakatulugan at nakakatamaran ang librong nasabi. hindi ko alam, hindi ko alam kung bakit hindi ko matapos-tapos ang kung tutuusin ay napakanipis na libro. siguro may ativan powder ang mga pahina nito kaya ko nakakatulugan parati.
ang bagsak ko, ang mga libro ni bob ong. sa filipino writers, isa siya sa pinakapaborito ko bukod kay F. Sionil Jose. parang relax ka lang kapag si bob ong ang binabasa mo. kasi, simple lang, walang arte, walang malalalim na salita. ang tanging hiwaga lang na iniwan ni bob ong sa akin ay kung paano niya naihahayag sa mga tao ang paunti-unti niyang kwento. may magic ata. kung mapapansin mo sa kanyang mga libro (except sa Alamat ng Gubat at Mac Arthur) binubuo ito na, paunti-unting mga kwento. munting mga usapan na nagbibigay ng watakwatak na punto na gusto niyang tirahin. nakakamangha na kung paano sa huli, may maiintindihan ka at may magmamarka sa kokote mo pagkatapos mong magbasa.
“hindi para sa tamad ang pagsusulat. pag binisita ka ng idea, gana o insperasyon, kailangan mong itigil LAHAT ng ginagawa mo para lang ‘di masayang ang pagkakataon. walang sandali lang o teka muna. dahil pag lumagpas ang maikling panahong ‘yon, kahit na mag-umpog ka ng ulo sa pader mahihirapan ka nang maghabol.”
gusto ko na nga ata muling maging writer. matapos ang pagkaka-kulong sa nursing sa loob apat na taon at pag-side dish ng pagsusulat sa student publication noon parang may puso parin ako sa pagsusulat. naks, alam mo yung pakiramdam na nakikipagbalikan ang first love mo? ganoong ekplosyon mayroon ako ngayon. tulad ng pag-ibig, nagdadalawang isip ka muna kung tatangapin mo ang proposal o hindi. kasi takot ka na masaktan muli o magpakatanga muli. nakakatakot humakbang muli sa isang bagay na bago at wala ka pang kasiguraduhan. titigil na ako bago maging korny ang susunod na mga pangungusap.
first love never dies, sabi nila. pero kaya ko namang mag-two timer sa mga sandaling ito. pagiging nurse at writer. sabay. wow, suicide. amazing! napagsabay ko nga sila noong college, at ni minsan hindi sila nagduda sa pagmamahal ko sa kanila. hanggang graduation, naikuha ko sila ng ‘tig isang medalya. sana lang ‘di nila malaman na pinagsasabay ko sila. ‘wag kang magsusumbong ha? friends tayo di ba? sya tama na ang mga usap-usapan. nasabi ko na ang mga sigaw ng utak ko. tama na yun.
sa ngayon.